Below is the full text of President Aquino's fourth State of the Nation Address delivered at the session hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City on July 22, 2013.
Marami pong salamat. Maupo ho tayong lahat.
Bise Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Isang magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos
apat na taon na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang
kampo upang hikayating tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam
naming hindi masosolusyonan sa isang tulog, sa isang taon, o kahit pa sa
anim na taong termino ng isang Presidente ang lahat ng problema ng
bansa. Pero simulan mo lang, at tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.
Noon pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin.
Mula sa pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos nang
makababa sa puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito.
Malawakang transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong
marami akong kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako
pinalaki ng aking mga magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi
ko mahaharap ang aking sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong
bawasan ang pagdurusang hindi naman dapat dinaraanan ng Pilipino.
Tumugon nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una,
nadagdagan pa. Sa paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa,
lalo pang dadami ang ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo,
tinanong ko kayo, “Boss, tama ba ang direksyon natin?” Ang tugon ninyo:
“Tama, at pabilisin pa natin ang transpormasyon ng lipunan.” Humiling
ako ng mga kakamping makikisagwan sa iisang direksyon, at ibinigay ninyo
ito. Ang totoo nga po, hindi lang mayorya, hindi lang siyam sa
labindalawa, kundi siyam sa sampung pinakamataas na puwesto na senador
ay mga taong inilapit ko sa inyo.
Sa aking pakiwari, malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 bilyong piso kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad.
Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre.
Sa aking pakiwari, malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 bilyong piso kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad.
Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre.
Hindi
nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng
pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang
oportunidad para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan.
Hindi natin pakay maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o
tsamba lang silang daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong
tinatawag nating inclusive growth—itong malawakang kaunlaran—ang mismong
prinsipyong bukal ng bawat inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng
inyong gobyerno. Ang maiiwan na lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi
sinamantala ang pagkakataon.
Ang atin
pong batayang prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at
pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang
pagkakataon ay punla lamang. Kailangan itong diligin ng sipag, alagaan
ng determinasyon, at payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin
ang mga TESDA-DOLE scholars. Sa 500,521 na napagtapos na natin dito,
tinatayang anim sa bawat sampu ang nagtatrabaho na.
Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM noong 2006 hanggang 2008, ang nakakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program, 70.9 percent ang employment rate ng ating mga nagtapos sa TESDA. Sa electronics and semiconductor program naman, umabot sa 85 percent na mga nagtapos noong 2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.
Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM noong 2006 hanggang 2008, ang nakakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program, 70.9 percent ang employment rate ng ating mga nagtapos sa TESDA. Sa electronics and semiconductor program naman, umabot sa 85 percent na mga nagtapos noong 2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.
Isa-isahin po natin. Ang layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid
Pamilyang Pilipino Program: natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000
kabahayang benepisyaryo ng programa noong 2010, umabot na sa halos apat
na milyon na kabahayan sa ating pong administrasyon.
Mayroon pa po: Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for
Development Studies, mas malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod
ng mga naka-graduate ng high school, kumpara sa mga elementarya lang
ang tinapos. Di po ba makatuwirang sagarin na natin ang tulong na
ibinibigay natin sa mga pamilya, upang makumpleto na ng mga batang
benepisyaryo ang high school, at sa gayon ay maisagad na rin ang
benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod na taon, magiging
saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot sa 18 taong
gulang, upang hanggang sa high school ay makapagtapos na sila.
Sa edukasyon naman po: ang layunin nating itaas ang kalidad ng
kaalamang natututuhan ng kabataan, upang matapos mag-aral ay
mapanghawakan nila ang mga oportunidad na bumubukas sa ating lipunan:
natupad po. Nabura na ang minana nating kakulangan sa libro at upuan, at
kung magpapatuloy nga po ang pagpapakitang-gilas ni Kalihim Brother
Armin Luistro, pati po ang kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin
sa taong ito. Ang magandang balita pa: May kakayahan na tayong
paghandaan ang magiging pangangailangan dahil sa K to 12 program.
Hindi po biro ang dinatnang mga problema ni Brother Armin sa DepEd.
Isipin po ninyo, kada isang textbook, pinepresyuhan dati ng 58 pesos;
nang siya na ang namumuno, bumaba ang presyo ng eksaktong libro sa 30
pesos. Paano po kaya kung dati pa nagbayad ng tamang halaga para sa mga
aklat na ito? Kung natipid natin ang diperensyang 28 pesos, at may
limang textbook ang bawat sa isang tinatayang 20.7 million na estudyante
sa ating public school system, ang katumbas nito: halos 2.9 billion
pesos. Kaya po sana nitong pondohan ang plano nating pagpapaayos at
rehabilitasyon ng nasa 9,502 na silid-aralan.
Kung nagkulang sa lakas ng loob si Brother Armin, puwede namang ipamana
na lang sa susunod sa kanya ang kultura ng pagwawalang-bahala sa kanyang
ahensya. Puwede naman din pong ipamana na lang ang mga backlog; ipasa
na lang sa susunod ang lolobong pagkukulang dahil sa dumaraming mga
enrolee kada taon. Pero itong si Brother Armin, imbes na makuntento,
imbes na sabihing, “Puwede na ‘yan, tapos na ang trabaho ko,” gagawa pa
siya ng mas maraming upuan at classroom, at bibili ng mas maraming
libro, upang siguruhing pati ang para sa susunod na mga taon ay mapunuan
na rin.
Ang pagpapalakas naman sa sektor ng
agrikultura: natupad din. Isipin po ninyo, ayon sa NFA: Noong 2010,
nag-angkat ang bansa ng mahigit dalawang milyong metriko tonelada ng
bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons. Noong 2012:
500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na nating
aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume
na 350,000 metric tons. Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa
reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang,
dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin
kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan,
nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na
po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang
pakainin ang ating sarili.
Datos na rin po ang
pruweba: lumago ng 3.3 percent ang sektor na ito sa unang tatlong buwan
ng 2013. Triple po ang itinaas nito mula sa 1.1 percent growth noong
parehong panahon ng 2012. Kaya naman, patuloy po tayong nagpupunla ng
mga inisyatibang pihadong magbubunga ng higit na kaunlaran sa ating mga
magsasaka.
Halimbawa po, sa niyog. Ayon sa
pagsusuri noong 2009, isa sa mga pinakamahirap na sektor sa bansa ang
coconut farmers. Ang proseso ng pagsasaka nito: Pagkatanim, pitong taong
hihintaying mamunga ang niyog, pero pagkatapos, dalawang henerasyon ang
wala nang ibang kailangang gawin kundi mamitas na lang nang mamitas.
May potensyal po tayong palakihin ang kita ng sektor na ito kung
maglalatag tayo ng kulturang mas nang-eengganyo ng sipag at pagiging
produktibo. Ang tugon: intercropping.
Tutulong
ang gobyernong magpalakas sa iyong niyogan, kapalit ng obligasyong
magpunla ng iba’t ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog. Mas
dadalas ang ani ng magsasaka, at depende sa kanilang itatanim, lalaki
ang kanilang kita. Kung sa niyog lang, sa bawat ektarya, nasa 20,000
piso po kada taon ang kinikita ng magsasaka. Kung dadagdagan ito ng
kape, maaaring pumalo ng 172,400 pesos ang kita; kung saging, aabot sa
102,325 pesos ang maaaring kitain, samantalang 89,000 pesos naman sa
cacao. Ang laking diperensya, di po ba?
Nasimulan na po nating ilatag ang mga inisyatiba para rito: Nitong 2012,
umabot na sa 5,500 hectares ng lupain ang ginagamit natin para sa
intercropping sa 90 lokasyon sa bansa. Saklaw po nito ang 10,000 sa
ating mga magsasaka. Ang target naman natin ngayong 2013: dagdag pang
434 sites para sa coconut intercropping.
Itinitimon na rin po natin tungo sa mas produktibong pampang ang ating
mga mangingisda. Isipin po ninyo: Pumalo sa 193.65 billion pesos ang
ambag ng industriya ng pangingisda sa ating ekonomiya nitong 2012, pero
sa kabila nito, 41 porsyento pa rin sa ating mga mangingisda ang
maralita nang huli itong sukatin noong 2009. Sila ang nanghuhuli ng
isda, pero ang natitira para sa kanilang pamilya, tinik na lang.
Kaya nga po: Nariyan ang maraming inisyatiba ng pamahalaan upang
tulungang makaalpas sa lambat ng kahirapan ang ating mga mangingisda.
Halimbawa nga po ang para sa Bataraza sa lalawigan ng Palawan. Sagana
ang katubigan sa paligid nito. Pero dahil hindi mapaabot sa mga merkado
nang sariwa ang isda, ginagawa na lamang itong tuyo. Sayang naman po,
kasi sa bawat tatlong kilo ng lapu-lapu, isang kilo lang ang tuyong
nagagawa. Paano kung mapahaba ang pagkasariwa ng isda dahil sa cold
storage facility? Pupunta ka sa merkado nang sagad pa rin ang presyo ng
huli mo. Parehong sikap sa paghuli, pero ang makukuha mo, tamang halaga.
Kaya nga po, kasado na ang cold storage facility para sa Bataraza.
Kasabay po nito, nagtatayo na rin tayo ng mga bagong pantalan sa mga
stratehikong lugar upang mapalago pa ang produksyon at kita. Ipinapaayos
natin ang mga kalsada, tulay, at iba pang imprastruktura, pati na ang
serbisyo para sa ating mga mangingisda.
Mahigpit
din pong binabantayan ng DILG, BFAR, at Coast Guard ang pangingisda
nang walang habas; ang hiling ko nga pong ambag sa ating mga
mangingisda: Pagpahingahin natin ang mga dagat. Hinihikayat ko po kayong
sumama sa pangangalaga ng inyong kabuhayan; nakikita naman po ninyo:
Ang oportunidad, inilalapit na sa inyo ng estado, pero ang resulta,
syempre, nasa kamay ninyo.
Kung may isa man pong
paksang paboritong ikabit sa pangalan ko, ito ay ang Hacienda Luisita.
Nais ko lang pong iulat na noong Pebrero, alinsunod sa utos ng Korte
Suprema, nakumpleto na ng Department of Agrarian Reform ang listahan ng
mga kuwalipikadong benepisyaryo na mabibigyan ng lupa sa Luisita. Ayon
rin po kay Kalihim Gil de los Reyes, sinimulan na noong nakalipas na
linggo ang pagtutukoy ng bawat loteng makukuha ng mga benepisyaryo, at
magsisimula nang ipagkaloob ang mga titulo sa Setyembre nitong taong
ito.
Para naman po sa iba pang malalawak na
lupain: Matagal na nating inatasan ang DAR, DENR, LRA, at Land Bank na
bumuo ng balangkas kung paanong mapapabilis ang pagproseso sa
pagbabahagi ng lupain. Ipapaalala ko lang po: Tamang datos ang unang
hakbang sa maayos na implementasyon ng CARPER. Pero nagmana po tayo ng
isang depektibong land records system. Kaya simula pa lang po,
nagtrabaho na ang DOJ, LRA, DENR, at DAR para ayusin ang sistemang ito,
at nasa punto na tayo ngayon kung kailan kaya nating siguruhin: Sa
susunod na taon, naihain na ang lahat ng mga notice of coverage para sa
mga lupaing saklaw ng komprehensibong repormang agraryo.
Malinaw po: Ang estado, itinayo para paglingkuran kayo. Kung may
problema sa kalusugan, dapat kumakalinga ang gobyerno; sa panahon ng
sakuna, nariyan din dapat ito para magbigay-lingap. Ano po ba ang
ginagawa natin sa mga larangang ito?
Sa
kalusugan, ang layunin nating masaklaw ng PhilHealth ang mas marami pa
nating kababayan: natupad na rin po. Dumating tayong 62 percent ng
Pilipino ang naka-enrol sa programa; ngayon, nasa 81 percent na ito. Ang
natitira nga pong wala sa talaan ay ang mga hinahanap pa, kabilang na
po ang informal sector at mga katutubo. Inaasahan po natin ang
pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan upang maisali na natin sa
sistema ang lahat ng ating mamamayan.
Hindi
lang po mga enrolee ng PhilHealth ang lumalawak, kundi pati ang mga
benepisyong maaaring makuha mula rito. Noong nakaraang taon, inilunsad
natin ang Z Benefit Package. At nitong Pebrero naman po, pinalawak pa
ito ng Expanded Z Benefit Package. Mas mahaba na po ang listahan ng mga
karamdamang libreng maipapagamot ng mahihirap nating kababayan sa mga
pampublikong ospital. Noong isang taon, nakasama na ang breast cancer,
prostate cancer, at acute leukemia; ngayon, kasama na rin ang iba pang
sakit tulad ng coronary bypass, at ng pagtatama ng mga butas at maling
posisyon ng mga ugat sa puso.
Masasayang lang po
ang ganitong benepisyo kung naghihingalo naman ang kalagayan ng ating
mga pagamutan, at kung hindi naman ito mapuntahan ng mga nasa kanayunan.
Kaya nga po todo buhos tayo ng budget sa imprastrukturang
pangkalusugan: Nitong nakaraang tatlong taon, umabot sa 33 bilyong piso
ang nailaan natin para sa pagpapatayo, pagpapaunlad, at rehabilitasyon
ng 4,518 na ospital, rural health units, at barangay health stations sa
buong bansa. Halimbawa na po rito ang Region 1 Medical Center sa
Dagupan, na nakapagsagawa na ng limang kidney transplant ngayong taon;
ang Bicol Regional Teaching and Training Hospital sa Legazpi, Vicente
Sotto Medical Center sa Cebu, at Northern Mindanao Medical Center sa
Cagayan de Oro, na ayon kay Secretary Ike Ona ay may kakayahan na
ngayong magsagawa ng open heart surgery dahil sa mga bagong pasilidad at
kagamitan. Nariyan din po ang Davao Regional Hospital sa Tagum City—ang
una nating cancer center sa labas ng Kamaynilaan.
Para naman po sa paghahanda sa kalamidad: Ang layunin nating magpanday
ng mga mekanismo upang mailayo sa peligro ang Pilipino: natupad na rin
po. Nariyan po ang epektibong serbisyong bunsod ng pagsasanib-puwersa ng
Geohazard Mapping and Assessment Program at Project NOAH naman ng DOST.
Nitong nakaraang taon, natapos na natin ang multihazard mapping ng
dalawampu’t walong pinakapeligrosong lugar sa bansa. Susunod na po rito
ang para sa Greater Metro Manila Area na target nating kumpletuhin
pagdating ng 2014. Handa na rin po ang geohazard maps para sa 496 na
lungsod at munisipyo. Ang natitira pong 1,138 na sasaklaw sa bawat sulok
ng bansa ay makukumpleto bago matapos ang 2015. Dagdag pa po, mas
matalas at detalyado na ang mga mapa, kaya mas eksakto na ring natutukoy
ang mga mapanganib na lugar.
Sa loob nga po ng tatlong taon, pinatunayan natin ang mga ahensyang dati’y pugad ng kurapsyon ay maaaring maging ehemplo ng tapat at epektibong paglilingkod. Ilan po sa mga simple ngunit epektibong pagbabagong isinagawa ni Secretary Singson sa DPWH: Wala nang letter of intent, na ginagamit ng mga bidder para magkuntsabahan; pinasimple ang proseso ng bidding, kaya mas marami nang nagkukumpitensya para sa proyekto, at mas sulit na ang presyong nakukuha ng gobyerno. Nasa oras na ring magbayad ang gobyerno, kaya mas naeengganyo ang mahuhusay na contractor na makiambag sa pagtatayo ng pambansang imprastruktura. Dahil sa tapat na pamamahala, 18.4 billion pesos na ang natitipid ng DPWH, na inilalaan para sa iba pang makabuluhang proyekto.
Buhat naman ng inilunsad
ang Project NOAH noong nakaraang taon, nakapag-deploy na tayo ng 525
automated water level monitoring stations at automated rain gauges sa 18
major river basins sa atin pong bansa. Tuloy-tuloy din ang pamamahagi
natin ng mga modernong kagamitan tulad ng Doppler radars, tsunami
detectors, at alerting sirens.
Subalit hindi
po sapat ang basta pagbibigay lang ng makabagong gamit at teknolohiya.
Sinasanay din natin ang mga makakatanggap nito kung paanong intindihin,
gamitin, at palaganapin ang impormasyon. Kapag masama ang panahon, hindi
na lamang bilis ng hangin ang kanilang basehan; alam na rin nila kung
gaano karaming tubig ang bubuhos, at nakakapagbigay sila ng tama at
napapanahong babala sa komunidad upang makapaghanda.
Inaayos na rin po natin ang problema sa madalas na pagbaha sa
Kamaynilaan. Biruin po ninyo: Noong Ondoy, tinatayang 3,600 cubic meters
per second ang tubig na dumaloy mula sa Sierra Madre. Pero ang
kapasidad ng dadaanan nito, nasa tinatayang 1,000 cubic meters per
second lang. Saan naman po pupunta ang diperensyang 2,600 cubic meters
kada segundo? Ito po ang bugso ng tubig na nagpapaapaw sa mga mababang
lugar at nagiging baha.
Di po ba’t narinig na
ng marami sa atin: “Waterways are inalienable.” Ibig sabihin: Ang daanan
ng tubig, para sa tubig lang. Ang problema nga po, kulang na nga ang
dadaanan ng tubig, may mga gusali pang naghahadlang sa mga estero, at
binabarahan pa ito ng basura ng mga tumitira sa paligid. Para po
solusyunan ito, nakikipag-ugnayan tayo sa mga LGU upang maayos na
mailipat ang mga informal settlers. Inihahanda na rin po ng legal team
sa pamumuno ni Secretary Leila de Lima ang mga kaso laban sa nagtayo ng
mga gusali na sumara o humaharang sa mga daanan ng tubig.
Hindi po tayo makukuntento sa sisihan. Ang ating pong aksyon: 6.2
billion pesos para maiwasan ang pagbaha sa Kamaynilaan. Bahagi nito ang
pagtatayo sa Blumentritt Interceptor Catchment area; 3.3 kilometers po
ang haba ng buong proyekto, at oras na makumpleto, kaya nitong sumalo ng
tubig na katumbas ng tinatayang labing-apat na Olympic-size swimming
pool. Kaya kung may bubuhos man pong tubig, mayroon na itong pupuntahan,
at hindi na kailangang nasa ibabaw ng lansangan. Nasimulan na po ang
proyektong ito noong Marso; layunin nating matapos ito sa susunod na
taon.
Ginagampanan po ng gobyerno ang kanyang
obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating sarili: Ano ang
inaambag ko sa solusyon? Kung may magtapon sa ilog, sitahin mo sana;
kung may magtayo ng building sa estero, isumbong mo na. Lalo po tayong
malulubog sa problema kung magkikibit-balikat lang po tayo.
Lumisan man ang bagyo, di naman humuhupa ang pagsisikap nating maibalik
sa normal ang buhay ng mga pamilyang nasalanta ng mga nagdaang
kalamidad. Sa pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, nasa 9,377
na kabahayan na po ang naipatayo para sa mga sinalanta ng bagyong
Sendong. May karagdagan pang 4,374 na tahanang maipapatayo ng gobyerno
bago matapos ang susunod na taon. Humihingi po tayo ng pag-unawa kung
medyo nagtagal ito, dahil na rin sa masalimuot na proseso ng land
acquisition; katunayan nga po, kung maaayos ang usapin sa iba pang
lupain, may dagdag pang 2,719 na kabahayan ang maipapatayo natin.
Target naman po nating maipagkaloob ang kabuuang 53,106 na kabahayan
para sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyong Pablo. Nasimulan na po
natin ang pamamahagi ng mga bagong bahay nitong Mayo. Tatapusin po
natin ang 17,609 na kabahayan bago matapos ang taon, at oras na
makumpleto na rin ang natitira pang 35,447 sa 2014, ang mga pamilyang
tinamaan ng dahas ng kalikasan ay makakasilong na muli sa ilalim ng
sariling bubong.
Tungkol din po sa pabahay,
para naman sa ating unipormadong hanay: ang 21,800 na housing unit para
sa pulis at kasundaluhan—natupad na, noong isang taon pa. Sa Phase II
naman ng proyekto, naitayo na rin po ang halos 26,050 sa target na
31,200, na makukumpleto na sa susunod na buwan para naman sa Phase II.
Bukod sa pabahay, may mga programang pangkabuhayan din tayong binubuo
para sa ating mga kawal. Ang ilang libong ektaryang lupain sa tatlong
kampo-militar, partikular na sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, sa Camp
Kibaritan sa Bukidnon, at sa Camp Peralta sa Capiz, ay paglulunsaran ng
dagdag na pagkakakitaan ng mga sundalo, gaya ng plantasyon ng kawayan,
kape, cacao, at palm oil. Kung dati, nakatutok lamang sa tanggulan ang
mga kawal, ngayon maski retirado ay may pagkakataong maging bahagi ng
paglago ng ating ekonomiya.
Subalit hindi dito
nagtatapos ang paghahanap ng solusyon sa mga minana nating problema sa
pambansang tanggulan. Isipin po ninyo: noong 1986, mayroon daw tayong
250,000 na pulis at sundalo para sa mahigit 55 million Filipinos. Ngayon
po, mayroon pa rin tayong tinatayang 250,000 na pulis at sundalo, na
nagbabantay sa 95 milyong Pilipino. Halos dumoble ang populasyon natin,
pero hindi nagbago ang bilang ng nagbabantay sa atin.
Tiyak pong may mga nagsasabi na diyan: “Problema ba ito? E di magdagdag
kayo ng pulis at sundalo. Makakalikha pa kayo ng trabaho.” Sana nga po
ganyan lang kadali at kasimple ang solusyon. Tingnan po muna natin: Sa
karaniwang pension scheme, maghuhulog ng kontribusyon ang miyembro at
nag-eempleyo. Ito ang puhunang palalaguin, at dito magmumula ang pensyon
sa pagreretiro ng miyembro. Pero ano po ba ang situwasyon sa pensyon ng
AFP at PNP? Walang naghuhulog, pero may kailangang bayaran. Dagdag pa
rito, naka-index sa sahod ng mga aktibong sundalo at pulis ang pensyon
ng retirado. Ibig sabihin, kapag lumaki ang sahod ng nasa serbisyo,
lalaki rin ang pensyon ng mga retirado o ng mga pamilyang tumatanggap pa
nito. Taun-taon, dumarami ang mga nagreretiro, kaya natural, pataas din
nang pataas ang obligasyon. Ang masaklap, pambansang budget ang
sumasalo nito: Noong 2012, 54.48 billion pesos ang inilaan para sa
pensyon ng sundalo at kapulisan. Ngayong taon, 61.29 billion, at aabot
po ito sa 80.64 billion sa 2016. Lolobo pa ito nang lolobo, kaya’t
liliit naman nang liliit ang pondo para sa iba pang serbisyong
panlipunan. Paano naman po tayo magdadagdag pa ng pulis at sundalo kung
ganito ang konteksto?
Kailangan ng sistemang
tutugon sa obligasyon ng lipunan sa ating mga sundalo’t kapulisan;
malamang po, GSIS ang hihilingan natin ng tulong para rito.
Pinag-aaralan na rin po ang posibilidad na gamitin ang mga reclaimed
area para makakalap ng pondong ipapasok sa papandaying solusyon. Hindi
rin naman po natin puwedeng biglain ang pagtugon sa kabuuan ng ating mga
pangangailangan, kaya’t mas masinsin pang pagsusuri ang gagawin natin
upang makalikha ng isang patas, pangmatagalan, at malinaw na mekanismo
para sa mga pensyon ng mga pulis at sundalo. Nananawagan po ako sa
Kongreso: Pag-aralan po nating muli ang PD 1638 at RA 8551 upang
maiangkop sa panahon at sa pambansang pangangailangan ang pensyon at
benepisyo ng ating pulis at kasundaluhan.
Kaparehong paninindigan rin po ang nakikita nating solusyon sa
nakaambang problema sa pensyon sa SSS. Isipin po ninyo: mula 1980, 21
times nang nagkaroon ng across-the-board pension increase—ulitin ko lang
po yun, 21 times—pero ang masaklap po, dalawang beses pa lang pong
tumaas ang contribution rate. Ang resulta: Tinatayang 1.1 trillion pesos
na ang unfunded liability ng SSS base sa pag-aaral na isinagawa nitong
2011. Inaasahang tataas ito ng 8 porsyento kada taon, at mauubos ang
pondo 28 years from now. Kapag nangyari ito, walang ibang malulugi kundi
ang susunod na salinlahi ng Pilipino.
Naniniwala po tayong panahon na para amyendahan ang SSS Pension Scheme.
Kailangan nating tambalan ng inisyatibang mag-impok nang sapat ang
pagluluwal natin ng pera. Kung magdadagdag lamang tayo ng 0.6 percent sa
contribution rate, 141 billion pesos na agad ang maibabawas sa unfunded
liability ng SSS. Kung ngayon na tayo magsisimulang mamuhunan sa
kinabukasan, wala nang problemang ipapamana sa mga susunod sa atin.
Sa kapulisan naman po, ang layunin nating magbigay ng lakas upang
magampanan nila ang kanilang tungkulin: natupad rin natin. Simula
ngayong 2013, 30,000 sa mga pulis ang babalik sa pagpupulis, dahil
kukuha tayo ng mga civilian personnel para gawin ang mga tungkuling
administratibo. Sayang naman po ang kakayahan at abilidad ng ating mga
kawal at pulis kung ikukulong lamang natin sila sa apat na sulok ng
opisina.
Sa pagpasok rin po ng buwang ito,
inumpisahan nang ipamahagi ang mga bagong unit ng 9mm Glock 17 pistols
sa ating mga pulis. Simula pa lang po ito; kasado na rin ang pamamahagi
ng kabuuang 74,879 na baril sa ating mga alagad ng batas, tungo sa
katuparan ng mithiin nating one-is-to-one police-to-pistol ratio.
Sulit na sulit naman po ang pamumuhunan nating ito sa pambansang
kapulisan, lalo pa’t nagbubunsod ito sa maayos at maaasahang serbisyo.
Di po ba’t tuwing eleksyon, nasanay na tayo sa kaliwa’t kanang insidente
ng karahasan? Tinugunan po natin ito tulad ng Oplan Katok. Ang pakay ng
programa: hanapin ang mga baril na paso na ang lisensya, at tiyakin na
ang mga baril na mayroon namang lisensya ay hawak pa rin ng otorisadong
mamamayan. Para gawin ito, 491,929 na pintuan ang kinatok ng ating mga
pulis para sa renewal ng mga lisensya. Nakatulong po ito upang maging
mas epektibo ang kampanya natin para sa Secure and Fair Elections, kung
saan ang 112 private armed groups noong eleksyon ng 2010 ay napababa na
lang sa 41. Katumbas po ito ng 63 percent na pagbaba. [Applause] Mula
rin sa 189 na insidente ng karahasan noong eleksyon ng 2010, 77 na
insidente lamang ang kompirmadong naganap nitong huling halalan.
Gawin po nating halimbawa ang ARMM. Ang sabi nga po ni Governor Mujiv
Hataman, sa tanang-buhay niya, hindi siya makaalala ng pagkakataon kung
kailan walang failure of elections sa Lanao del Sur. Alalahanin po
natin, ito ang unang beses na magkasabay ang pambansa at rehiyonal na
halalan sa ARMM. Ang ibig pong sabihin, noon ay nakatutok ang buong
pwersa ng estado sa iisang rehiyon, pero may failure of elections pa
rin. Ngayong 2013, dahil buong bansa ang kinailangang tutukan, at
lumawak ang kanilang responsibilidad, may mga nag-akalang lulubha pa ang
situwasyon sa halalan ng ARMM. Pero kita naman po ang laki ng
ikinaganda nito: Naging malinis at tapat ang halalan sa ARMM; natuloy
ang bilangan, natuloy ang proklamasyon ng mga may bagong mandato mula sa
taumbayan. Dahil sa sipag ng ating mga pulis at kawal, at gayundin sa
pakikiisa ng sambayanan, talaga naman pong ang eleksyon 2013 ay naging
mas payapa at tahimik.
Gayumpaman, may mga
insidenteng nagmamantsa pa rin sa dangal ng ating kapulisan. Nabalitaan
na naman siguro natin ang nangyari sa mga miyembro ng Ozamiz Gang na
sina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga: nahuli na, pero napatay pa.
Tulad ng ginawa nating imbestigasyon sa nangyari sa Atimonan,
sisiguruhin nating mananagot ang sinumang pulis o kung sino mang sangkot
dito—gaano man kataas ang kanilang ranggo. Kung sino man ang mga
pasimuno dito: maghanda lang kayo. Malapit ko na kayong makilalang
lahat.
Sa kabila ng ganitong mga kuwento,
buhay na buhay po ang aking pag-asa sa hanay ng kapulisan. Hindi sila
nagkukulang sa mabubuting halimbawa tulad ni PO3 Edlyn Arbo, na buong
tapang na hinarap at tinugis ang isang holdaper sa nasakyan niyang jeep,
off-duty man at walang dalang baril. Nariyan po siya at sinagupa yung
holdaper na nagkamaling siya ang pag-tripan. Nariyan din po si PO3
Felipe Moncatar na umani ng samu’t saring papuri dahil sa haba ng
listahan ng mga kriminal na kanyang nahuli at ang balita ko ay may
nahuli ka na namang batikang carnaper sa Bacolod. Talagang napakahhusay
mo. Ang ilan po dito, sa kanyang mga nahuli kabilang sa mga pinaghahanap
most wanted persons sa Bacolod at miyembro ng malalaking sindikato.
Baka narinig na rin po ninyo ang kwento ni PO2 Dondon Sultan. May
nasiraan ng kotse sa kahabaan ng Quezon Boulevard; tigil naman si
Ginoong Sultan para tumulong. Hindi lang po siya nagpalit ng gulong;
inihatid pa niya sa kasa ang nasiraan. Bilang pasasalamat sa kanyang
serbisyo, sinubukan kong abutan ng 1,000 piso si PO2 Sultan. Tinanggihan
niya ito. Ang kanyang sagot: “Trabaho naming tumulong sa mamamayan.”
Saludo po kami sa mga tulad ninyong lingkod-bayan. Palakpakan po natin
sina PO3 Arbo, PO3 Moncatar, at PO2 Sultan. Patunay kayong hindi pa
endangered species ang tapat at mahuhusay na pulis. Inatasan ko na sina
Kalihim Mar Roxas ng DILG, pati na rin si Kalihim Voltaire Gazmin ng
DND, upang siguruhing ang mga katulad ninyo sa ating unipormadong hanay
ay makakatanggap ng kaukulang pabuya at karangalan.
Idaragdag ko na rin po ang ating disaster relief workers mula sa
maraming sangay ng gobyerno, pati na ang volunteers galing sa pribadong
sektor. Alam ko pong hindi madaling lumusong sa baha, magbungkal ng
putik, at humarap sa mukha ng pinsala. Hindi po ako magsasawang
kilalanin ang inambag ninyo sa lipunan; saludo po ako sa pag-aalay ninyo
ng sarili upang bawasan ang pagdurusa ng ating mga kababayan.
Abot-kamay na rin po ang kapayapaan sa rehiyong matagal nang pinupunit
ng hidwaan. Nitong Oktubre po ng nakaraang taon, nilagdaan ang Framework
Agreement on the Bangsamoro. Katunayan nga po, siyam na araw pa lang
ang nakakalipas mula nang lagdaan ang ikalawang annex ng kasunduan.
Kumpiyansa po tayong masusundan pa ito ng mas magandang balita sa lalong
madaling panahon.
Tiyak kong mulat ang lahat:
Hindi biro ang proseso ng pagbubuo ng consensus; mabuti na lamang
talaga at handang makinig, magbigayan, at magkita sa gitna ang
magkabilang panig. Alam naman natin ang maaaring maging resulta kung
magpapadaan tayo sa inip. Ang malinaw po sa akin: Ang mga salitang ating
bibitawan ay dapat magbunga ng mga kilos na positibong makakaapekto sa
lahat. Ang bawat linya sa binubuo nating kasunduan ay dapat maaaring
itaga sa bato, at hindi ililista lamang sa tubig upang anurin na naman
ng kasaysayan. Pinalaki po ako ng aking ama nang may isang salita,
kaya’t sinasabi ko sa mga kapatid nating kasapi ng Bangsamoro: Anumang
mapagkasunduan natin ay ipatutupad ng pambansang gobyerno.
Kailangan po ng tiwala sa usapan ng kapayapaan. Hindi automatic ang
magkaroon ng tiwala, dahil na rin sa haba ng pinagdaanan. At ngayon,
talagang dama natin na gustong makipagkasundo ng magkabilang panig, at
tayo naman ay nagpapakita na dapat talaga tayong pagkatiwalaan. At sa
mga pumipigil sa pagkakaroon ng tiwala at naghahasik ng pagdududa:
Masasabi mo bang Pilipino kang may malasakit sa kapwa mong Pilipino?
Umaasa po ako sa pakikiambag ng bawat Pilipino sa layunin natin para sa
Bangsamoro. Ipakita po natin sa kanilang hindi sila nagkamali sa
pagpili sa direksyon ng kapayapaan; ipamalas natin ang lakas ng buong
bansa upang iangat ang mga probinsya sa Muslim Mindanao, na kabilang sa
mga pinakamaralita nating mga lalawigan. Tagumpay ng lahat ang ating
hangarin; hindi tayo papayag na may kababayan tayong mapapag-iwanan
habang may ibang nakakalamang. Nananawagan ako sa ating Kongreso: Nabuo
na po ang Transition Commission na gagawa ng panukalang Bangsamoro Basic
Law. Tatapusin ito alinsunod sa mga prinsipyo ng komprehensibong
kasunduan para sa kapayapaan; maipasa po sana ninyo ito bago matapos ang
2014. Sa gayong paraan, may sapat tayong panahon para makapaghanda sa
paghalal ng bagong pamahalaang Bangsamoro sa 2016.
Anuman pong pagbabagong tinatamasa natin ngayon ay naabot dahil hindi
tayo nakuntentong sumunod lamang sa dinatnang status quo ng pamamahala.
Matanong ko nga po: Ilan po ba sa inyo ang nakagamit ng tinatawag na
Telepono sa Barangay? Hindi po ako magtataka kung wala. Isipin po ninyo,
ayon sa DOTC: mahigit five billion pesos ang ginastos para sa isang
programang magdadala ng telepono sa mga kanayunan. Di po ba’t sayang
lang ito, dahil sa loob ng maikling panahon matapos ang implementasyon,
dahil hindi pa nga po tunay ang implementasyon, dumami nang dumami ang
may cellphone na Pilipino? Sino nga ba naman ang papansin sa mahigit
6,000 landline na ipinakabit nila, gayong may 100 milyon nang cellphone
sa Pilipinas?
Heto pa po ang isang halimbawa
ng pag-iisip sa gobyerno na kinailangan nating baguhin: Bumilitayo tayo
ng walong combat utility helicopter, para daw sa mabilisang pagbiyahe ng
ating mga sundalo. Ang problema: Sukat ba naman pong naka-mount ang
baril sa may pintuan, at kailangang tanggalin kung may dadaan. Kung
lalapag ka habang nagbabakbakan, ano ang silbi ng machine gun na
nakatabi at hindi mapaputok? Wala bang nakaisip nito bago nagkapirmahan
ng kontrata? Bakit naman po pinayagang mangyari ito?
Kailangan pong maging mas mahusay tayong mamimili. Hindi puwedeng
palagi tayong nakasalalay sa sales talk ng mga supplier sa pagpili ng
mga kagamitan natin. Inatasan natin ang DOST na bumuo ng grupo ng mga
ekspertong hindi kayang bolahin ng mga supplier, lalo na po pagdating sa
mga big ticket items. Ang patakaran natin: Tamang pagkilala sa ugat ng
problema; tamang pag-aaral na tutukoy sa tamang solusyon, na maaabot
naman sa pamamagitan ng tamang metodolohiya.
Iyan po ang kaisipang pinagmulan ng ating tugon sa isyu ng mga informal
settler sa Kamaynilaan. Kaya nga po, ang layunin nating ilayo sa
panganib ang mga nagsisiksikan sa peligrosong bahagi ng lungsod:
tinutupad na rin natin. Wala naman po sigurong kokontra kapag sinabi
nating hindi tama ang kasalukuyan nilang kondisyon. Ayon po sa Article
2, Section 5, o ang general welfare clause ng ating Saligang Batas:
“Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang
pangangalaga sa buhay, kalayaan at ari-arian, at ang pagtataguyod sa
kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya
ng demokrasya.”
Dito po natin napatunayan:
Nakikinig sa katuwiran ang Pilipino; kapag ipinakita mong malasakit ang
iyong batayang prinsipyo, handa tayong makiisa. Bago po magbaklas ng mga
bubong at magtibag ng mga pader, ipinaliwanag natin ang katuwiran ng
ating desisyon: Maayos ang lilipatan, malapit sa sakayan, at kung
magsisikap kayo, hindi magkukulang ang inyong pagkakakitaan. Nilinaw din
po natin: Layunin nating magbigay-lingap sa mga nasa peligro—hindi sa
sindikato. Batid nating sa tuwing inaabuso ng ilan ang pagmamalasakit ng
estado, ipinapain rin nila sa alanganin ang buhay at kabuhayan ng
napakaraming Pilipino.
Matapos nga pong
maibiyahe ang isang pangkat sa relocation site, sila mismo ang
nanghikayat sa mga dati nilang kapitbahay: Sumama na kayo. Mas ligtas
dito. Ngayong taon po, prayoridad nating ilipat ang mahigit 19,400
pamilyang nagsisiksikan sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro
Manila. Sa pagkakapit-bisig ng DILG, NHA, DSWD, MMDA, at DPWH, lumilinaw
na po ang sagot sa suliraning ito.
Isa pa
pong halimbawa ng transpormasyon sa pamamahala: Di ba’t matagal ding
nabinbin sa Kongreso ang mahahalagang batas? Nito pong nakaraang taon,
naisabatas na, sa wakas, ang Sin Tax Reform Law at ang Responsible
Parenthood Law. Nagpapasalamat tayo sa mga naging kasangga natin sa
pagsusulong nito sa Kamara at Senado. Hindi ninyo inalintana ang
mahabang proseso ng debate at konsultasyon; hindi kayo nagpadaig sa mga
naghasik ng pagdududa upang harangin ang ating mabuting agenda.
Tinitimbang ninyo kung ano ang kapaki-pakinabang sa mas nakakarami, at
isinusulong ang tunay na serbisyo para sa Pilipino.
Ilalapit ko na rin po sa ating Kongreso ang ilang batas na makakatulong
sa pagpapatuloy ng nasimulan nating pagbabago. Maamyendahan na po sana
ang Cabotage Law, upang mas mapalakas ang kumpetisyon, at mapababa ang
gastos sa transportasyon ng ating mga sakahan at industriya. Maisulong
na rin po sana ang Fiscal Incentives Rationalization Bill, upang maging
mas tapat, malinaw, at may pananagutan ang mga insentibong ibinigay
natin sa mga negosyante. Paglaanan din po sana ng panahon ang Land
Administration Reform Bill, upang maitimon sa iisang direksyon ang mga
kawanihang nakatutok sa ating mga lupain, at nang sa gayon ay masigurong
masinop at epektibo nilang magagawa ang kanilang trabaho.
Bukas na bukas din po, ihahain natin ang panukalang 2.268 trillion
pesos na national budget sa Kongreso. Kumpiyansa po ako sa suporta at
pakikibalikat ninyo upang mapatibay ang pondong ito na talaga naman pong
masusing pinag-isipan. Makakatulong ito hindi lang para ituloy ang
agenda ng positibong pagbabago, kundi upang mapaspas pa ang
pag-arangkada natin tungo sa malawakang kaunlaran.
May ilan pong nagsasabi na kailangang patibayin ang Sandatahang Lakas.
Sang-ayon po ako dito. Pero tila ba ang gusto nila ay ilagak ang bawat
sentimo ng kabang bayan para sa fighter jets, tangke de guerra, at iba
pang gamit pandigma. Hindi yata nila alam na ang isang fighter jet na
nagkakahalaga ng 1.58 bilyong piso, ay katumbas ng 6,580 na bahay para
sa mga pulis at sundalo, o halos 2,000 na silid-aralan para sa mga
kabataan. At ano naman ang magagawa ng isang pirasong jet? Para maging
epektibo, ang kailangan, mga squadron—at ang isa nito ay binubuo ng
dalawampu’t apat na fighter jets. Sa halagang 1.58 billion pesos kada
piraso, 37.92 billion pesos ang huhugutin sa kabang bayan para makabuo
ng isang squadron. Paano naman ang missiles pati na rin ang practice
missiles? Hindi rin po libre ang jet fuel, radar system, ground bases,
at ground intercept controls. Hindi po talaga biro ang gastos para sa
isang minimum credible defense posture; gagayahin pa ba natin ang iba,
na handang kalimutan ang lahat para lang makuha ang nuclear option? Wala
naman sigurong sasang-ayon dito. Babalansehin po natin ang ating mga
pangangailangan. Aasikasuhin natin nang husto ang mga dapat tugunan sa
ating lipunan, habang patuloy tayong nagiging mabuti at mahinahong
kasapi ng pandaigdigang komunidad.
Alam naman
natin dati, ang batayan ng desisyon, puro pulitika. Gagawin ang lahat
para kumapit sa kapangyarihan, kapalit ang pagdurusa ng kasalukuyan at
susunod na henerasyon ng Pilipino. Tingnan po natin kung ano ang
kinahantungan ng pag-ipit sa pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT. Ang
tinatayang gastos sa bawat biyahe ng pasahero ng LRT, 40 piso. Ang bayad
ng pasahero, 15 piso. Ibig sabihin, sagot ng pamahalaan ang natitirang
25 piso. Sa MRT po, 60 piso ang totoong gastos: 15 piso sa pasahero, 45
piso sa gobyerno– sa huli, bawat Pilipino, abunado. Nasa Mindanao ka o
Visayas ka man, na ni minsan ay hindi nakatuntong sa LRT o MRT, kasama
ka sa pumapasan nito.
Ang masaklap pa nga po:
Dahil ipinamigay na ng nakaraang mga pinuno ang commercial development
rights natin dito, bawat pisong maaaring makalap mula sa mga poster at
billboard na nakapaskil sa stasyon o sa tren man, napupunta sa pribadong
kumpanya kaysa sa gobyerno. Ang puwede sanang pagkunan ng pantustos sa
maintenance at operasyon, nawala pa.
Siguro
naman po, makatuwirang ilapit man lang natin sa ibinabayad sa aircon bus
ang pasahe ng LRT at MRT, upang maituon ang subsidiya sa iba pang
serbisyong panlipunan.
Nakita naman po ninyo:
wala tayong balak magpamana ng problema sa susunod sa atin. Ang totoo
nga po, ang mga proyektong dati’y nilulumot lang, ngayon,
napapakinabangan na ng mamamayan. Tingnan na lang natin ang
Ternate-Nasugbu Road. Kung tutuusin, anim na kilometro lang ang haba ng
kalsadang ito na nagkokonekta sa Cavite, Batangas, at Metro Manila, pero
‘yang anim na kilometrong iyan, inabot pa ng halos dalawampung taon
bago ito matapos. Binuksan na natin ang isang bahagi nito, at pag
nakumpleto ang natitirang slope protection, ganap na ang magiging
pakinabang ng kalsada sa mga motorista.
Nariyan din po ang Aluling Bridge sa Ilocos Sur. Taong 1978 pa po
inilatag sa papel ang pagpapatayo nito. Siniguro na nating hindi lamang
din papel ang mamanahin ng susunod sa atin: Nitong Marso, sa wakas,
natapos na ito at sinimulan na rin natin noong nakaraang buwan ang
operasyon ng Laguindingan Airport, na isang henerasyon naman ang pagitan
mula nang inisip at isakatuparan.
Ilang
dekada ring naghintay ang industriya ng semiconductors na magkaroon ng
laboratoryong kayang makipagsabayan sa pasilidad ng ibang bansa. Hindi
na po natin pinahaba ang kanilang paghihintay. Nitong nakaraang Mayo, sa
pangunguna ng DOST, pinasinayaan natin ang Advanced Device and
Materials Testing Laboratory. Dati, kailangan pang ipadala ang mga
produkto sa ibang bansa para suriin. Hindi natin nasasagad ang kita;
hindi rin nasasagad ang potensyal ng industriya na manghikayat ng
puhunan. Dahil po sa pasilidad na ito na tinaguriang ADMATEL, ngayon,
dito na susuriin ang mga produkto, at masusulit ang mga bentahe ng
manggagawang Pilipino sa larangan ng electronics. Inaasahan nga po
nating lalo pang lalakas ang industriyang nag-ambag ng halos 44 percent
ng ating exports noong 2012.
Sa tulong naman
po ng ating Big Man sa Senado na si Manong Frank Drilon, natapos na ang
mahigit limampung taon na paghihintay ng mga Ilonggo; nasimulan na ang
Jalaur River Multi-Purpose Project II sa Iloilo. Ano po ba ang mga
pakinabang nito?
Tinataya pong 24,000
magsasaka sa kalakhang Iloilo ang mahahatiran nito ng buong-taong
irigasyon. Dahil dito, maaaring dumoble ang ani ng mga magsasaka ng
palay. Linawin po natin: Ang sakop nitong 31,840 hectares ng lupaing
mapapatubigan, may dagdag na aning bigas na 146,013 metric tons.
Katumbas po ito ng halos walumpung porsyento ng aangkatin nating buffer
stock ng bigas para sa 2013.
Bukod pa po ito sa iba
pang benepisyo ng proyekto tulad ng pag-iwas sa malawakang baha sa
Iloilo, at ang dagdag na 6.6 megawatts ng hydropower. May ambag din ito
sa supply ng tubig para sa ilang bahagi ng probinsya, at sa industriya
ng ecotourism doon. Dagdag pa rito, nasa 17,000 trabaho ang malilikha ng
proyekto; oras na maging fully operational naman ito, tinatayang 32,000
Pilipino ang mabibiyayaan ng sapat na pagkakakitaan. Una raw po inisip
itong proyektong ito noong 1960. Pareho po kaming isinilang sa mundo.
Mulat din po tayong marami sa ating mga kababayan ang nananabik na
makita ang mga bunga ng ating Public Private Partnership projects. Alam
din po nating may mga tila naiinip na sa kahihintay para rito.
Isakonteksto po natin. Noong 2010, pag-upo natin sa puwesto, 6.5
percent na lang ng programmable budget ng taon, o 100 billion pesos
lamang, ang iniwan sa atin. Ang 93.5 percent po, inilaan na sa kung
saan-saan ng ating sinundan. Kaya naman, lumapit tayo sa pribadong
sektor. Ang sabi natin: kulang kami sa pondo, halina’t mag-ambagan tayo
upang maipatayo ang mga kinakailangang imprastruktura.
May balakid din po tayong kinaharap nang magsimula ang PPP. Luma na ang
mga pag-aaral na basehan ng mga proyekto; kulang sa kaalaman ang
burukrasya para ipatupad ito. Idagdag pa natin ang publikong nagsawa
nang magtiwala sa mga kontratang pinapasok ng gobyerno.
Gayumpaman, sa anuman pong situwasyon, ang ating prinsipyo: Gagawin na
lang din natin, gawin na natin nang tama. Wala tayong balak na pumasok
sa kuwestiyonableng kontrata ngayon, para lang ipamana ang problema sa
susunod na administrasyon. Kailangang dumaan sa tamang proseso ang bawat
proyekto, para masigurong ang perang inyong pinaghihirapan ay napupunta
sa dapat nitong kalagyan.
Ngayon pa lang,
nakikita na natin ang epekto ng maayos, tapat, at hayag na paglalatag sa
PPP projects. Dati, may isang paliparan lang na maipagawa, napakalaki
nang balita. Ikumpara po natin ngayon: bukod sa pinapakinabangan na ang
paliparan sa Laguindingan, sabay-sabay din ang proseso ng pagsasaayos at
modernisasyon ng Tacloban Airport, Bicol International Airport, New
Bohol Airport, Mactan Airport, at Puerto Princesa Airport. Ang Daang
Hari-SLEX link road ang pinakamabilis na PPP project na nai-award sa
alinmang administrasyon, nang walang shortcut na dinaanan ang proseso.
[Applause] Ang mga ito, at ang napakarami pang ibang ipinapatayo at
ipapatayong imprastruktura, ay manganganak ng isang lipunang hitik sa
oportunidad.
Mahaba po ang listahan ng mga
suliraning minana, at tinutugunan na natin. Halimbawa: Ang madalas na
pag-brownout sa Mindanao. Mula’t sapul pa lang, naglalatag na tayo ng
solusyon para dito, ngunit batid nating ang problemang isang dekadang
binalewala ay hindi masosolusyonan sa isang tulog lang. Sa ngayon,
patuloy ang paggawa natin ng mga hakbang upang tugunan ang mga
kakulangan at agarang pangangailangan. Nariyan po ang pagtulong natin sa
electric cooperatives upang makapagpasok sila ng generator sets ng
magpapabawas sa brownout. Magtutuloy-tuloy ito hanggang makumpleto na
ang mga plantang magsu-supply ng kuryente sa rehiyon.
Pero hindi po talaga mauubos ang mga kontra. Kesyo tataas daw ang
presyo ng kuryente kapag may gensets dahil diesel ang ginagamit. May
hydropower ngayon dahil tag-ulan, kaya umuugong na naman ang reklamo
laban sa mga genset. Pero pagpasok ng tag-init, tiyak, marami na naman
pong magrereklamo sa walong oras na brownout.
Sa ibang bahagi naman po ng Pilipinas, gusto nating magtayo ng mga
planta. Habang umuunlad kasi ang ekonomiya, tumataas din ang konsumo
natin ng kuryente, at kailangang dagdagan ang supply nito. Gusto ba
nating kapag sinagad na ang mga pagkukunan, saka lang tayo gagawa ng
planta? Ang pagawa po niyan dalawa hanggang tatlong taon bawat planta.
Hindi po kabuteng basta na lang susulpot ang mga ito.
Kung maganda ang mungkahi, handa naman po tayong makinig, pero sana
naman ay makuha ng mga miron ang kabuuang konteksto ng situwasyon.
Halimbawa po ang planta sa Redondo, Zambales. Pina-TRO dahil mas maganda
raw ang renewable. Sinabi rin po ba nilang mas mahal itong ipatayo, at
mas mahal din ang magiging presyo ng enerhiya? Sinabi po kaya nilang
hindi nito kayang tugunan ang baseload, o ang kapasidad na kailangang
laging nariyan para hindi mag-brownout? Magtatayo ka ng wind; paano kung
walang hangin? Kung solar, paano kung makulimlim? Lilinawin ko lang po:
Naniniwala rin ako sa renewable energy at suportado natin ito, pero
dapat ding may mga baseload plant na sisigurong tuloy-tuloy ang daloy ng
kuryente sa ating mga tahanan at industriya. Mag-iingay pa rin po kaya
ang mga kumokontra, kung busy na sila sa kapapaypay dahil nag-brownout
na? Ang sa akin lang po: makiambag sana tayo sa paghahanap ng solusyon.
Tutal din po, nagtatapatan tayo: Pag-usapan naman natin ang pagsasaayos
ng NAIA 3. Masalimuot po ang usapang ito. Dumaan na ito sa dalawang
arbitration; naipanalo na sana natin pareho, pero binaliktad ang
desisyon ng isa dahil sa technicality. Kaya nga po ngayon,
pinaghahandaan ang muling pagdinig nito. Dagdag na komplikasyon po ang
isyu ng warranty sa pagpapatapos ng NAIA 3—hindi naman puwedeng ‘pag may
umusbong na depekto, pasensyahan na lang, dagdag-gastos pa. Kaya nga po
nang ipinaliwanag sa atin na bibigyan tayo ng maayos na warranty ng
orihinal na contractor, pumayag tayo. Pero gusto nating manigurado;
gusto nating kumpletuhin nang tama at buo ang proseso, at Hihingin ko po
ang inyong pag-unawa ukol sa isyung ito.
Malinaw na po ngayon: Iisa ang tuon ng bawat metro kuwadrado ng
sementong ibinubuhos natin bilang pundasyon ng mas maunlad na bansa:
Pakinabang sa bawat isa—hindi politika. Kung dati, gumagawa ng kalsada
kung saan lang kursunada, at nagpapatayo ng tulay kung saan kaibigan ni
Madam si Mayor, ngayon, sumusunod na tayo sa isang pambansang plano.
Walang paborito, walang transaksyunalismo, walang padrino; bawat piso,
nakatuon sa ating pagpaspas tungo sa malawakang pag-unlad.
Ang maaasahan po natin sa mga susunod na taon: mga paliparan at
daungang lalapagan ng kalakal at turista; mga kalsadang sisigurong husto
ang pakinabang ng lahat sa malalaking proyektong ito; mga power plant
na pagmumulan ng sapat na kuryente at magpapatakbo sa mga industriya.
Ito ang magsisilbing balangkas na magsasanga ng iba pang inisyatibang
dadaluyan ng oportunidad para kay Juan at Juana dela Cruz—mula sa mga
magsasakang may sapat nang patubig at mabilis nang naibebenta ang ani,
hanggang sa mga construction worker na nagtitindig ng mga bagong gusali;
mula sa patuloy na pag-usbong ng mga call center, hanggang sa pagdami
ng mga negosyanteng handang magpasok ng kapital sa bansa. Nagsulong tayo
ng mga tamang proyekto sa tamang halaga; ginawa natin ito nang may
tamang kalidad; at natapos o matatapos ito sa tamang panahon, dahil tama
at karapat-dapat ang mga taong nagpapatupad nito.
Pag-usapan po natin ang trapiko: di po ba’t tinatayang 2.4 billion
pesos ang nawawala sa ating ekonomiya kada araw, dahil sa buhol-buhol na
trapik sa Kamaynilaan? Kabilang sa mga proyekto nating pihadong
magpapaluwag dito ay ang Integrated Transport System. Ang mga bus na
nagsisiksik sa mga kalsadang punung-puno na nga, ginagawan natin ng
terminal sa mga lugar na hindi kasing-sikip. Napapakinabangan na nga po
ang terminal sa Parañaque, at nakapila na rin ang sa Quezon City at
Muntinlupa. Ang pang probinsyang bus ay hanggang dito nalang sa mga
terminal na ito ng wala nang makipagsiksikan sa EDSA.
At nariyan din po ang dalawang connector road na magdurugtong sa North
at South Luzon Expressway. Ang totoo nga po, dekada sitenta pa lang,
plano nang ipatayo ang tinawag nilang Metro Manila Highway. Ito sana ang
magkokonekta sa dalawang expressway, upang hindi na kailangang bunuin
ang ilang oras na biyaheng babagtas pa sa kahabaan ng EDSA. Ang problema
po: Nag-atas si Ginoong Marcos ng mga batas na pabor sa kanyang crony.
Nakatali tayo sa pagsunod sa mga batas na ito: Sino mang magpatayo ng
imprastruktura sa lugar na iyon, dapat kasosyo ang korporasyon ng
kanyang kaibigan. Masaklap po: nae-extend ng 30 taon ang kanilang
prangkisa sa tuwing magkakabit sila ng kahit isang dipa lang ng kalsada
sa orihinal. Dagdagan pa po natin: nang kumita ang kumpanya, hindi
nakumpleto ang pagpapalawig o pagpapaunlad sa mga imprastraktura’t daan.
Tandaan po niyo na dapat umabot sa Carmen, Rosales sa Pangasinan at
Lucena sa Quezon ang mga kalsadang nabanggit at yung Metro Manila
Highway o Expressway, hanggang ngayon wala pa. Nang nalugi naman,
nakuha pang ipasa sa gobyerno ang utang. Ilalapit ko na po ito sa ating
Kongreso: silipin po nating muli ang Presidential Decrees 1113 at 1894.
Sa kabila nito, tuloy po ang mga proyekto natin. Mayroon tayong walong
kilometrong 4-lane elevated expressway na kokonekta sa C3 Road sa
Caloocan patawid ng España, hanggang sa PUP sa Sta. Mesa. Mayroon ding
mahigit labing-apat na kilometrong 6-lane elevated tollway na babagtas
mula Balintawak, hanggang Buendia, sa Makati. Ang Common Alignment naman
po ng dalawang kalsadang ito, lima’t kalahating kilometrong 6-lane
elevated expressway mula PUP sa Sta. Mesa, patawid sa kalagitnaan ng
Osmeña at Quirino Avenue, hanggang Buendia sa Makati. Oras na mabuksan
ang kalsada, ang biyaheng SLEX hanggang NLEX na dati’y inaabot ng
dalawang oras, kaya nang takbuhin ng labinlimang minuto. Ang Clark naman
hanggang Calamba na pumapalo noon sa tatlong oras, halos mangangalahati
at magiging isang oras at apatnapung minuto. Kada araw, tinatayang
limampu’t limang libong motorista ang makikinabang sa mga ito. Tipid sa
oras, tipid sa gas, menos sa polusyon, lalago pa ang komersiyo’t
turismo. Talaga namang win-win situation, di po ba?
Sa loob nga po ng tatlong taon, pinatunayan natin ang mga ahensyang dati’y pugad ng kurapsyon ay maaaring maging ehemplo ng tapat at epektibong paglilingkod. Ilan po sa mga simple ngunit epektibong pagbabagong isinagawa ni Secretary Singson sa DPWH: Wala nang letter of intent, na ginagamit ng mga bidder para magkuntsabahan; pinasimple ang proseso ng bidding, kaya mas marami nang nagkukumpitensya para sa proyekto, at mas sulit na ang presyong nakukuha ng gobyerno. Nasa oras na ring magbayad ang gobyerno, kaya mas naeengganyo ang mahuhusay na contractor na makiambag sa pagtatayo ng pambansang imprastruktura. Dahil sa tapat na pamamahala, 18.4 billion pesos na ang natitipid ng DPWH, na inilalaan para sa iba pang makabuluhang proyekto.
Bilang halimbawa ng resulta ng mabuting pamamahala, tingnan natin ang
Tagumbao Bridge sa Gerona, Tarlac. Sa totoo lang, congressman pa lang po
ako, iminungkahi ko na ito. May mga nasasakupan kasi tayong kailangan
pang umikot ng dalawang bayan para tawirin ang umaapaw na ilog tuwing
tag-ulan. Sabi ko nga po sa mga dating administrasyon: Sa inyo na ang
buong PDAF ko, magawa lang ito. Kung puwede sana installment plan. Pero
wala pong nangyari. Lumawak lang ang idurugtong ng tulay dahil sa
nababakbak na pampang.
Kasalukuyan na po
nating ginagawa ang Tagumbao Bridge. At heto po ang kuwento ngayong tayo
na ang nagpapatupad nito: Nasa 334 million pesos ang aprubadong pondo;
pero dahil sa tamang pangangasiwa’t tapat na paggugol, naibaba ito sa
226 million pesos. [Applause] Suma-tutal, nakatipid tayo ng mahigit 108
million pesos nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng ipinapagawang
tulay. At lalong maganda pa nga po, ang natipid na pondong ito ay
magagamit sa pagpapagawa ng dike at river training works para sa Phase
II ng proyekto.
Dumako naman po tayo sa
turismo. Ayon sa banyagang pahayagang Oriental Morning Post, the “Best
Tourist Destination of 2012” tayo. [Applause] Na-inlove ang Shanghai
Morning Post sa ating bansa, nang binansagan nila tayong “Most Romantic
Destination of 2012.” Hopefully they will love us more. [Applause] Sabi
naman ng Scuba Diving Magazine, “Best Diving Destination” ang Pilipinas.
[Applause] “Best Island” naman daw ang Palawan, kung tatanungin ang
Travel + Leisure Magazine. Kulang na nga lang po ay tawagin na tayong
paraiso.
Hindi na po nakakapagtakang sa
mauugong na papuring tulad nito, naitala natin noong 2012 ang 4.3
million tourist arrivals sa ating bansa—isang panibagong record high.
21.4 percent na po ang inilalago ng numerong ito mula nang pumasok tayo
noong 2010, kung kailan nasa tinatayang 3.1 million na turista pa lang
ang bumibisita sa atin. Pagdating naman sa ating domestic travelers, ang
target natin dati para sa taong 2016 ay 35.5 million tourists. Pero
nitong 2011 pa lamang po, nalampasan na natin ito sa 37.5 million
domestic tourists. [Applause] Ngayon, sa momentum nating ito, tiwala
tayong maaabot ang bagong target na 56.1 million bago matapos ang 2016.
Ang mas malakas na sektor ng turismo, manganganak ng mas maraming
trabaho. Tinataya ng DOT na nakapag-ambag ang turismo ng 3.8 million na
trabaho noong 2011. Ang totoo nga po, hindi lang mga lugar na may
magagandang tanawin ang nakikinabang sa pagdayo ng turista, kundi pati
ang mga karatig-bayang maituturing na tourism support communities: Ang
mga lugar na pinanggagalingan ng pagkaing inihahanda sa mga resort, ng
mga souvenir na ibinebenta, at ng iba pang mga produkto’t serbisyong
nagsisilbing bukal ng kaunlaran para sa ga lalawigan.
Malamang, narinig na rin po ninyo ang mga good news na lumapag
kamakailan sa bansa. Noong Marso, inalis po ng International Civil
Aviation Organization ang significant safety concerns na ipinataw sa
Pilipinas. Bunga po ito ng mga reporma sa aviation industry upang
siguruhing pasok sa pandaigdigang pamantayan ang aviation safety sa
Pilipinas. Dahil po dito, sa wakas, noon lamang ika-10 ng Hulyo, muli
nang pinahintulutan ng European Union ang direktang paglipad ng ating
flag carrier sa Europa.
Isipin po ninyo,
paano kaya kung dati pa inayos at pinalakas ang ating aviation industry?
Di po ba’t sayang ang pagbisita ng mga turistang nawalan ng ganang
dumalaw sa Pilipinas dahil dito? Naglahong trabaho, pondo, at
oportunidad—ito ang resulta ng lumang sistema ng pamamahala.
Kaya naman, simula’t sapul, nilabanan na natin ang katiwalian sa lahat
ng antas ng pamahalaan at isinulong ang transpormasyon sa ating mga
institusyon. Ang resulta: tunay na serbisyong pampubliko.
Tingnan na lang po natin ang lalim ng transpormasyong nangyari sa mga
GOCC. Ang dating mga kumpanya ng bayang inaambagan mo pa dahil sa
pagkalugi, naghahatid na ng dibidendo ngayon. Gamitin po nating
halimbawa ang Philippine Reclamation Authority. Sa loob ng labintatlong
taon bago tayo dumating, ang suma-total ng dibidendo ng PRA: 676.82
million pesos. Sa tuwid na daan, para sa 2012 lamang, ang dibidendo
nila: isang bilyong piso. Napakalaking transpormasyon, di po ba?
Mabuting halimbawa rin ang Local Water Utilities Administration. Noong
2011, ang recorded net loss ng naturang GOCC: 950 million pesos. Pero
dahil sa maayos na pangangasiwa, di lang nila nagawang balansehin ang
kanilang mga libro; ayon sa kanilang report, umabot ang kanilang
kabuuang kita sa 870 million pesos noong 2012. Dahil dito, nagawa nilang
makapag-remit ng 365 million pesos sa pamahalaan para sa taong iyon.
Isa pa pong halimbawa: Sa una kong SONA, isiniwalat natin ang
kuwestyunableng kalakaran sa MWSS: patung-patong na bonus at allowance
ang ibinigay sa sarili, sa kabila ng kapalpakan nilang tugunan ang
pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang ahensya na nga po ang
nag-ulat: Umabot sa 34 million pesos ang pagkalugi ng MWSS noong 2010.
Hindi ito katanggap-tanggap. Kaya noong 2011, pinirmahan natin ang GOCC
Governance Act, na nagsisilbing saligan ng katapatan, kredibilidad, at
pananagutan sa pamamalakad ng ating mga GOCC. Ang ibinunga nito: Noong
2011, 333 million pesos ang kinita ng MWSS mula sa pagkalugi ng 34
million pesos. Noong 2012 naman po, ang kinita nila: Halos 2 bilyong
piso. Kakambal nito, lumago rin ang kanilang dibidendo: mula sa 150
million pesos noong 2011, umakyat ito sa 345 million pesos para sa 2012.
Nakakalungkot nga po, na kung ano ang lalim ng pagbabagong itinanim ng
mga pinuno ng MWSS, iyon din naman ang dumi ng putik na ibinabato sa
kanila ng mga gusto pa ring kumapit sa lumang sistema.
Kaakibat ng pagtaas ng kumpiyansa sa ating mabuting pamamahala, ang
patuloy na pag-angat ng ating ekonomiya. Ang resulta: Dalawang
magkasunod na ten-place jump sa Global Competitiveness Index ng World
Economic Forum. Sa unang pagkakataon, nakuha natin ang investment grade
status mula sa dalawa sa tatlong pinakatanyag na credit ratings agencies
sa mundo, at hindi malayong sumunod ang ikatlo. Napanatili ang
stabilidad ng presyo ng mga bilihin, at patuloy din ang pagbaba ng
bahagi sa ating budget na pambayad-utang, at ang paglaki naman ng
pondong nailalaan sa mga serbisyong panlipunan. Sa panahong matamlay ang
pandaigdigang ekonomiya, nagpamalas tayo ng kahanga-hangang 6.8 percent
GDP growth noong 2012. Nahigitan pa natin itong first quarter ng 2013,
kung kailan naitala ang paglagong 7.8 percent—pinakamataas na recorded
GDP sa Timog-Silangan, [applause] pati na sa Silangang Asya. Special
mention po dapat ang 28.5 percent na ambag ng manufacturing sa inilaki
ng ating ekonomiya. Inaasahan po nating aarangkada pa ang manufacturing
sa mga darating na panahon.
Tinagurian na po
tayo ngayon bilang “rising tiger,” ayon sa World Bank; “brightest
spark,” ayon sa pahayag ng Institute of Chartered Accountants in England
and Wales, at iba pang mga bansag na tumutukoy sa transpormasyong
nangyayari sa ating bansa. Mula sa matuwid na paggugol ng pondo,
hanggang sa epektibong koleksyon ng buwis; mula sa pagpapaunlad ng
imprastruktura hanggang sa maaliwalas nang pagnenegosyo na lumilikha ng
trabaho, talaga namang malinaw ang pahayag natin sa mundo: kaya nang
makipagsabayan ng Pilipinas sa agos ng kaunlaran.
Hindi lang po sa ekonomiya o stadistika nakikita ang transpormasyon ng
ating lipunan. Ngayon, alam na ng Pilipino: Mayaman ka man o mahirap,
may kakilala sa poder o wala, kapag gumawa ka ng mali, mananagot ka.
Tunay nang nakapiring ang katarungan. Hindi mababali ang atas ng ating
mga Boss: Panagutin ang tiwali, at itama ang mali sa sistemang kaytagal
nagpahirap sa ating bayan.
Pinapanagot na po
natin ang dating namumuno ng TESDA dahil sangkot siya sa katakut-takot
na tongpats sa ahensya. Halimbawa: Ang isang incubator jar,
nagkakahalaga ng 149 pesos. Pero kay Ginoong Syjuco ayon sa mga datos
15,375 pesos. Ang normal na presyo ng dough cutter, 120 pesos. Ang
presyo kay Ginoong Syjuco: 48,507 pesos. Linawin po natin, dough cutter
ito, at hindi Hamilton Class Cutter. Baka nga po kapag hinarap na niya
ang kasong isinampa ng Ombudsman, matuto nang magbilang itong si Ginoong
Syjuco.
Nakahabla po ang dating mga opisyal
ng PAGCOR na naglustay ng 26.7 million pesos para lamang gumawa ng
pelikula; nagsunog ng 186 million pesos para sa isang partylist; at
nagawa pang gamitin na pampapogi sa kampanya ang rice donations na
nakalaan sana para sa mga biktima ng kalamidad.
Hinaharap na rin po ng mga dating pinuno ng PNP ang paratang ukol sa
131.6 million pesos na nawaldas para sa 75 depektibong rubber boat, at
104.99 million pesos para sa maanumalyang pagbili ng mga segunda-manong
helicopter mula 2009 hanggang 2010. Mas mainam nga po kung masagot nila
nang tama ang mga tanong ukol dito, nang matukoy natin kung may iba pang
dapat managot.
Sa usaping Cadavero, PDAF, MRT
3, at iba pa: Dahil hindi alam ng ilang kritiko ang ginagawa namin,
palagay nila wala kaming ginagawa sa mga isyung ito. Kung wala pang
tangan na datos ang gobyerno at ipagsigawan naming, “Iimbestigahan namin
kayo,” di ba’t para na rin naming sinabi sa mga kakasuhan na, “Paki
tago naman po ng mahusay ang lahat ng ebidensya?” Kaya: tutungo tayo
kung saan tayo ituturo ng katotohanan; ebidensya ang magdidikta sa ating
mga hakbang.
Nang inihayag nating “walang
wangwang,” hindi lang natin binaklas ang mga sirena ng mga
naghahari-harian sa kalsada; binungkal din natin ang kultura ng
katiwalian na noo’y tila nakaugat na sa mga pampublikong institusyon.
Pero magtapatan po tayo: Hanggang ngayon, may ilan pa ring ahensya ng
gobyerno na ayaw yata talagang tumino. Nakakadismaya po ang lalim at ang
pagsanga-sanga ng kanilang mga galamay sa ating burukrasya; malingat
lang tayo, pihadong may aabusuhin at bibiktimahin na naman sila.
Magpangalan na po tayo: sa Bureau of Immigration, paulit-ulit nating
pinagsabihang ayusin ang pagbabantay sa ating mga daungan at paliparan.
Pero paanong nakalabas ng bansa ang magkapatid na Joel at Mario Reyes,
ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Gerry Ortega? Bakit
nangyari pa rin na kitang-kita sa mismong CCTV ang pagtakas ng Koreano
na si Park Sungjun? Wanted po siya sa Korea, at nanghingi ng tulong ang
kanyang gobyerno upang hulihin siya. Anong mukha naman po ang ihaharap
natin gayong mismong mga kawani ng ating gobyerno ang naghatid sa kanya
at hinayaan siyang makatakas?
Nakakatuyo din
po ng pasensya ang kultura ng “pwede na” sa National Irrigation
Administration. Imbes na maglatag ng plano para sa mga bagong patubig,
kuntento na sila sa paulit-ulit na rehabilitasyon ng mga irigasyon.
Masabi lang na may nagawa, kahit puro patsi-patsing trabaho, masaya na
sila. Noon nga pong kanilang anibersaryo, itinanong ko kung bakit nasa
60 percent na naman ang kanilang target ang naabot noong 2012, kung
umabot na sila sa 87 percent noong 2011. Kinabukasan, nagkita kami ng
kanilang pinuno sa NEDA Board meeting. Ang sabi niya sakin, Sir, ang
dahilan kaya 60 percent lang, 40 percent daw po kasi ng target nila ay
nasa Mindanao, bagyong Pablo ang dumating at tinamaan kaya na-delay sila
ng 40 percent. Kailan po ba tumama ang Pablo? Noong unang linggo ng
Disyembre. Ibig sabihin, binalak niyang tapusin ang 40 percent ng
kanyang trabaho para sa taon, sa loob lamang ng tatlong linggo. Hindi po
natin kailangan ng ganitong uri ng pamamahala sa loob ng burukrasya.
Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs.
Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang
walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal
na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng
Department of Finance na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas
lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan. Saan po kayo kumukuha ng
kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito? Marami pong gabi bago
ako matulog, kulang na lang ay sabihin nilang, “Wala akong pakialam kung
mapunta sa masasamang loob ang armas; wala akong pakialam kung ilang
buhay ang masira ng droga; wala akong pakialam kung habambuhay na
matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa buhay
mo.” Hindi maaaring ganito ang kalakaran sa pamahalaan. Kung hindi mo
nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa
pwesto.
Kung matino kang kawani ng Bureau of
Immigration, ng National Irrigation Administration, ng Customs, o ng
kahit ano pang ahensya ng gobyerno, sana makiambag ka pa lalo. Hindi
sapat na yumuko sa loob ng cubicle; bahagi ng trabaho mo ay ang pagpigil
sa mali. Nasa tama kayo, kaya’t huwag po kayong magtago; padaliin ninyo
ang pagnanais kong mahanap kayo; paaangatin ko kayo nang paaangatin
upang ibandila ang inyong mabuting ehemplo, at mabago na ang maling
kultura sa inyong mga naturang ahensya.
Para
naman po sa mga kawaning walang balak tumalikod sa kulturang wangwang:
Tapos na ang pakikiusap. Nagkaroon kayo ng tatlong taon para ipakitang
handa kayong umayos; ngayon, hahanapin, kung hindi pa kayo nahahanap,
pero ‘yung ‘di talaga mahahanap, lalahatin na po natin kayong lahat;
ngayon, pasensyahan tayo.
Isabay na rin po
natin sa pagbabago ang mga tiwaling Civil Service. Panahon pa lang po ng
nanay ko, narinig ko na ang hirit na, “Ano ngayon kung utos ng
Malacañang? Anim na taon lang kayo diyan.” Kailangan pong itama ang
ganitong klaseng pag-iisip. Nananawagan po ako sa Kongreso: suriin natin
ang ating Civil Service Code at PD 1, upang maisaayos ito sa lalong
madaling panahon. Suportado ko ang pagbuo ng mekanismong magbabalik sa
dangal ng serbisyo-publiko; na tanging mga tapat, mahuhusay at may
prinsipyong mga lingkod-bayan lamang ang maaaring makapasok at manatili
sa gobyerno.
Ngayon naman po, hayaan natin ang ating mga kababayang magpahayag ng transpormasyong nangyayari sa lipunan:
Ni
minsan, hindi naman nagkulang ang bansa natin ng mga taong handang
manindigan at lumaban, kahit gaano pa kalaki ang mga pagsubok sa
kaniyang harapan. Nariyan ang tapang na ipinamalas ni Commodore Ramon
Alcaraz noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lulan ng isang Q-Boat na
yari sa kahoy, sinagupa niya ang siyam na Zero fighter ng hapon, na
itinuturing noon na isa sa pinakamodernong eroplano; tatlo nito ang
napabagsak niya. Ang totoo nga po, tuluy-tuloy pa rin siyang lalaban,
kung hindi pa ang sarili niyang mga pinuno ang nag-atas sa kanyang
sumuko. Ang kagitingang ito ang araw-araw ding ipinapamalas ng mga
sundalo nating nagtatanod sa mga pinakaliblib na kabundukan, at sa
pinakamalalayo nating isla; mga kawal na tinitiis ang layo sa pamilya,
at taas-noong naninindigan sa sinumang sumusubok sa ating soberanya.
Hindi rin po kalabisang isiping ang mga tagumpay natin sa tuwid na daan
ay maaaring pangarap pa rin hanggang ngayon kung wala ang mga miyembro
naman ng ating Gabinete. Nang inalok ko silang maging bahagi ng ating
pamahalaan, alam nilang hindi magiging madali ang kanilang trabaho.
Subalit maituturing na biyaya na tinanggap nila ang hamon, nanumpa
silang tutulong sa transpormasyon, at simula’t sapul, araw-araw silang
nagsasakripisyo upang hindi masayang ang pribilehiyong paglingkuran
kayo.
May mga katulad ni Kalihim Albert
del Rosario. Kung ibabase sa tradisyon, ang unang opisyal na biyahe sa
labas ng Pilipinas ng isang kalihim ay sa mga bansang may matibay at
mapayapa tayong ugnayan. Ngunit pagkatapos niyang manumpa bilang Foreign
Affairs Secretary, kumuha lang yata ng pambihis, lumipad agad si
Secretary del Rosario patungong Libya; dumaan sa mahigit dalawampung
checkpoint sa gitna ng putukan, at pinamunuan ang paglikas ng mahigit
dalawampung libong Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Libya. [Applause]
Baka po magulat kayo pag narinig ninyo kung taga-saang bansa ang mga
banyagang nakiangkas pa sa ating paglilikas. Iba na nga po ang Pilipinas
ngayon: Imbes na tayo lang ang parating tinutulungan, ngayon, kaya na
rin nating tumulong sa mga dayuhan. [Applause]Kung tutuusin, maaari
namang tanggihan ni Secretary Albert ang pagtatrabaho sa gobyerno. Isa
siyang respetado’t matagumpay na negosyante, at tiyak na mas magiging
komportable siya sa pribadong buhay. Dati na rin po nating siyang
nakiambag bilang ambassador sa Amerika. Puwede naman siyang nadismaya
nang pababain siya sa puwesto, dahil tinutulan niya ang pagdeklara ng
State of Emergency ng nakaraang administrasyon noong 2006. Pero tinawag
po natin siya para bumalik, at tumugon siya. Ngayon po, nagbibigay siya
ng mas malaki pang ambag bilang kalihim. Handa niyang ilagay ang sarili
sa panganib, dahil alam niyang walang ibang sasaklolo sa Pilipino kundi
ang kapwa rin Pilipino. Sa patuloy mong paninindigan para sa ating
karapatan, saludo po ako sa inyo, Secretary Albert del Rosario.
Transpormasyon din po ang dulot ng inspirasyong hatid ng matitinong
lingkod-bayan. Nagluksa ang milyun-milyong Pilipino sa pagpanaw ni Jesse
Robredo. Sa loob ng halos dalawang dekada, namuno siya nang may husay,
malasakit, at pagpapakumbaba sa Naga. Ang mga prinsipyong ito nga mismo
ang dahilan kung bakit hiniram natin siya mula kay Congresswoman Leni,
at sa tatlo nilang mga anak, at sa mga Nagueño, upang maging bahagi ng
ating Gabinete. Kaya nga po, matapos ang trahedya, isa na siguro sa
pinakamahirap na tungkuling ginampanan ko ang paghahatid ng balita kina
Leni at kanilang mga anak.
Bukod sa
pagluluksa, hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko dahil sa sinapit ni
Jesse. Baka kung hindi ko siya hinikayat mapabilang sa Gabinete, buhay
pa siya ngayon. Baka kung nanatili na lamang siya sa Naga, kapiling pa
natin siya. Baka may isa pa ring Jesse Robredo na naglilingkod ngayon.
Subalit sa isang banda, alam kong hindi hahayaan ni Jesse na tumigil sa
kanya ang pagbabago at pagtutuwid ng lipunan. Nabigyan lamang ako, at
nabigyan din lamang si Jesse, ng pagkakataong maglingkod sa bansa dahil
sa inyo. Hindi nag-iisa ang mukha ng pagbabago. Hindi na aabutin pa ng
isandaang taon bago isilang ang susunod na mabuting tao, bago tumindig
ang susunod na mabuting Pilipino.
May mga
nagtatanong nga po lagi sa akin: Paano na sa 2016? Paano pag bumaba ka
na? Tapos na rin ba ang tapat na pamamahala? Tapos na ba ang tuwid na
daan?
Mga Boss, isipin nga po natin: Saan ba
tayo nagmula? Kung may agam-agam kayo ngayon, ano ba naman ito kumpara
sa agam-agam natin noong 2010? Di ba’t masaya na tayo noon na tapos na
ang panahon ng kadiliman? Di ba’t noon, sapat nang mapalitan ang mga
nasa kapangyarihan?
Ngayon, tinatamasa na
natin ang pagbabago. Mula ito sa mga butil ng malasakit, ng
pakikipagkapwa, ng pagkakawang-gawa; nanggaling ito sa milyun-milyong
Pilipinong kahit sa pinakapayak na paraan, ay nagkusang makiambag sa
transpormasyon ng bansa.
Sa pag-aambagang ito,
tingnan ninyo ang ating narating: May nakaisip bang magiging abot-kamay
na ang kapayapaan sa rehiyong apatnapung taon nang pinupunit ng
hidwaan? Di ba’t gawa ito ng mga Morong handang magbaba ng armas at
sinabing, halika, mag-usap na tayo, nagtitiwala ako? Di ba’t gawa ito ng
karaniwang mamamayang nagsabing, Kapatid, pareho tayong Pilipino, tama
na nga ang gulo?
Nang unang iminungkahi ang
Pantawid Pamilya, nariyan ang tanong: Paanong maaabot ang kailangan
nitong epekto; nasaan ang pondo para masaklaw ang lahat ng maralitang
Pilipino? May nag-akala bang, matapos lamang ang tatlong taon, aabot sa
halos apat na milyong kabahayan ang nagiging benepisyaryo nito? At di
ba’t sila rin—ang bawat inang gumigising nang maaga para ipaghanda ang
anak niyang papasok sa eskuwela, ang bawat batang nag-aaral nang
mabuti—di ba’t sila rin ang nakiambag at patuloy na nakikiambag para
magtagumpay ang programang ito?
May nag-akala
bang mula sa pag-aangkat ng milyun-milyong toneladang bigas, sa
pagtatapos pa lang ng 2012 ay 94 percent rice self-sufficient na tayo?
May nag-akala bang ang dating “Sick Man of Asia,” sa loob lamang ng
tatlong taon ng tapat na pamamahala, ay nasa investment grade status na?
Sino nga po ba ang nag-isip na maipapatupad ang lahat ng serbisyong
panlipunan natin ngayon, nang di nagtataas ng buwis maliban syempre sa
Sin Tax? Di ba’t nakiambag dito ang bawat accountant, doktor, abugado,
na ngayon ay nagbabayad ng tamang buwis? Di ba’t nakiambag tayong lahat
dito?
May puwang pa ba para sa mga agam-agam?
Ngayon pa bang natutupad na ang mga dating ni hindi natin magawang
pangarapin, ngayon pa bang nakausad na tayo, at abot-kamay na ang ating
mga hangarin– Boss, ngayon pa ba tayo magdududa?
Sa bawat Pilipinong nagtitiwala sa kapangyarihan ng maliliit na anyo ng
kabutihan: Kayo nga po ang gumawa ng pagbabago. SONA po ninyo ito.
Sa bawat gurong bumabangon nang madaling-araw para magturo sa
kanayunan: SONA mo ito. Sa bawat pulis na nagsilbi at hindi nanghingi ng
kapalit: SONA po niyo ito.
Sa mga hindi
panatag sa listahan ng mga tatakbo sa halalan, at kinatok ang kapitbahay
para sabihing, “Huwag tayong makuntento, magtulungan tayong humanap ng
karapat-dapat na pinuno,” SONA mo ito.
Sa
bawat estudyanteng mulat sa mga napapanahong isyu sa lipunan, at sa
halip na magreklamo lang sa Facebook ay nagmumungkahi ng solusyon: SONA
mo ito.
Kay Brigadier General Ramon Mateo
Dizon, paretirong pinuno ng Presidential Security Group, na kasama ko na
noon pa, laban sa mga kudeta noong panahon ng nanay ko: Hanggang sa
aking pagkapangulo, pinangalagaan mo ang seguridad ko, pati na ng
personal at opisyal kong pamilya. Buong kumpiyansa akong pumunta, sa
ibang bansa man o sa mga liblib na sulok ng Pilipinas. Chito, nakiambag
ka rin sa pagbabago; tunay kang tapat sa watawat, sa Saligang Batas, at
sa sambayanang Pilipino. Siyempre, kung di ka inalalayan ng iyong
butihing maybahay na si Jo-ann, hindi mo naabot ang iyong mga tagumpay.
SONA ninyong dalawa ito.
At sa lahat ng mga
gumising sa nagtutulug-tulugan, sa mga nagmulat sa mga
nagbubulag-bulagan, sa mga kumalampag sa mga nagbibingi-bingihan: SONA
po ninyo ito.
Mahaba pa ang ating lalakbayin,
at hindi natin kailanman sinabing madali o walang mga hadlang sa landas
na ito. Subalit wala akong duda sa kakayahan nating lampasan ang
anumang barikada. Hindi tsamba ang mga tagumpay na tinatamasa natin
ngayon; huwag tayong papayag na maging panandalian lamang ang
transpormasyon. Samantalahin natin ang pagkakataon upang gawing
permanente ang pagbabago.
Ito po ang aking
ikaapat na SONA. Noong ako’y Congressman, ang mga taga-Tarlac ang aking
lakas; nang ako’y maging Senador, at hanggang ngayon, sa aking
pagkapangulo, nariyan ang sambayanan—Pilipinas, kayo ang aking lakas. Sa
patuloy nating pag-aambagan at pananalig sa kapwa at sa Maykapal,
sinasabi ko po sa inyo: Kayo pa rin ang sisigurong magpapatuloy ang
ating nasimulan; kayo ang sisigurong mabubura na nang tuluyan ang mga
mukha ng katiwalian; kayo ang sisigurong hinding-hindi na tayo muling
lilihis sa tuwid na daan.
Sinabi po sa akin
dati: Noynoy, simulan mo lang at sinimulan nga po natin, at ngayon,
kitang-kita na ang layo ng ating narating. Ngayon, Pilipino, ituloy
natin ang pagkakapit-bisig, sabay nating arugain, pabilisin, at
palawakin ang transpormasyon ng lipunan. Ako po si Noynoy Aquino;
ipinagmamalaki ko sa buong mundo: Pilipino ako. At talagang napakasarap
maging Pilipino sa panahong ito.
Maraming salamat po.
No comments:
Post a Comment